Ado Poblete- Founder KPPM
Ako si Ado Poblete, 67 taong gulang at ipinanganak noong ikalabing tatlo ng Marso sa taong 1951. Ang nanay ko ay si Salud Nazareno Poblete na taga Kanluran sa Naik,Kabite. Ang tatay ko ay si Mete Vasquez Poblete na taga kalye Zamora,Naik Kabite. Mayroon akong dalawang anak; Sally Jane Poblete 43 years old at Angelo Ado Poblete 13 years old.Lumaki ako at nagtapos sa Mababang Paaralan ng Naik, Kabite noong 1962, nagtapos sa Mataas na Paaralan ng Unibersidad ng Santo Tomas noong 1967, at nagtapos ng Kolehiyo sa De La Salle noong 1971 sa kursong Pagnenegosyo o’ Pangangalakal at nagtapos din ako ng pangalawang kurso sa Kolehiyo pa rin ng De Lasalle noong 1972 sa kursong Accounting.
Nagpunta ako sa Amerika noong Agosto 1980 na labag na labag sa kagustuhan ng aking puso, sapagkat nang iwanan ko ang ating pinakamamahal na bansa ay lubos na kalungkutan ang aking nadama at hindi ako pinatutulog ng aking kunsensiya. Dahil sa lubos kong paggalang at pagsunod sa utos ng aking ina na si Salud Nazareno Poblete at lubos kong pagmamahal sa kanyang kahilingan ay labag sa puso kong nilisan ang ating pinakamamahal na Bansa. Maliban sa aking ina, ano pa ang dahilan at ako ay nagdesisyon na tumungo sa Amerika?
Una, dahil sa taon-taon kong paghahanap ng negosyo o’ hanap buhay sa ating pamahalaan na ang kalakaran ay puro langisan, lagayan o’ suhulan bago ako makipagnegosyo sa kanila. Itong kalakarang ito ay hindi maatim ng aking prinsipyo at hindi rin matanggap ng aking isip, puso, at damdamin.
Pangalawa, ipinaliwanag sa akin ng aking pinakamamahal na ina na kung talagang gusto kong makatulong sa ating bansa at kababayan ay kailangang kumita muna ako ng sapat na salapi upang makatulong sa karamihan. At sa paniniwala ko ngayon, sa abot ng aking kaya ay natutupad ko na ng unti-unti ang hinahangad kong kawanggawa sa aming Pamilya, kawanggawa sa ating Bayan, kawanggawa sa ating Kapwa Tao, at kawanggawa sa ating Kalikasan.
Ako ay nagtayo ng negosyo sa Amerika noong 1984 na ang pangalan ay SJ NURSES INC—ang SJ ay hango sa aking pinakamamahal na anak na si Sally Jane. Makaraan ang sampung taon mula ng inumpisahan ko ang aking negosyo mula sa aking lamesa sa kusina, nahalal akong “Negosyante ng Taon” ng aking mga kapwa negosyante na ipinagkaloob sa akin ng Alkalde ng Siyudad ng Trenton noong 1994.Ang masayang okasyon na iyon ay nalathala sa malaking pahayagan “Trenton Times” nakasama ko sa larawan ang Alkalde ng Trenton na si Arnold Palmer. Buong pasasalamat ko sa ating Panginoon at pinahintulutan Niya akong makapaghanapbuhay na kahit minsan ay wala akong nilagyan o sinuhulan para kumita ang aking hanapbuhay.